ito ang pangalawang araw ng aming Negros Occidental tour ng mga tropa sa RACE. nagsimula ang araw namin sa pagbangon at pagkain ng breakfast (ginisang corned beef, danggit, sinangag, sunny side up na itlog, at juice – na up to sawa, yehey!). matapos mag-miss call ni mayor (hindi ko na ito kailangan pang ipaliwanag pa sa mga "enlightened" na), nag-meeting muna kami sa kubeta at naging matiwasay naman ang aming pag-uusap - walang sigawan, walang sumbatan, smooth lang lahat, kumbaga.
matapos ang photo-ops sa may labas ng hotel, naghanda na kaming bumiyahe patungong Kabankalan City, papunta sa Mag-Aso Falls na maghapon naming lalasapin, ayon sa aming itinerary. nakalimutan pa pala namin ni Donnie ang aming mga cowboy hats, kaya nang sabihin ni Direk Abet na balikan, eh binalikan ko ang mga ito sa kwarto – kasi naman, bago pa man umalis, napag-usapan nang magdadala ng cowboy hats para sa photoshoot tapos kakalimutan lang – kamusta naman yun, di ba?
humigit-kumulang tatlong oras din ang biyahe papuntang Mag-Aso, kasama na ang stop-over sa isang gasolinahan upang magsipag-dilig kami ng mga halaman at mag-basa ng mga kubeta gamit ang mga ihi namin. nang malapit na kami doon, bumili kami ng supply namin ng coke at yelo para sa tanghalian. matapos ang konting huntahan ay umakyat na ang aming mga sasakyan patungong Mag-Aso Falls. mataas na ang araw nang dumating kami doon, kaya hinakot na namin agad ang mga gamit matapos ang sandaling photo-ops ng iba naming mga kasama sa may entrance ng resort.
pagdating sa aming cottage, ang ilan sa amin ay naglapag ng mga gamit at sinimulan na ang pagpapa-baga ng uling. sina King, Abet at Donnie ang mga nagsimula ng "Apoy sa Dibdib ng Kabankalan," habang ako naman ay papitik-pitik ng mga litrato gamit ang aking camerang paltik. kinunan ko lang ang mga nagpapa-baga, ang mga tumatawid sa tulay, ang mga nagtitimpla ng mga iihawin, ang mga naghahanda ng side dishes at siyempre, ang mga "iron chefs" ng Mag-Aso Falls =). sa puntong ito, medyo nahihirapang magpa-baga ang mga kapwa kusinero. bigla kong naalala na dala ko pala ang notebook, kaya pumilas ako ng ilang pahina para makatulong kahit papaano (pasensiya na, gwapo lang, nakakalimot din po). matapos ang ilang minuto, nag-baga na rin ang apoy (at mga nakiki-paypay din kami ni Terence kina King, Abet at Donnie). mabuti rin pala at puwedeng maki-saing ng bigas kina manong, kaya medyo hassle-free na ang kanin, yung inihaw na lang ang lulutuin. nakakatuwang experience ang pag-iihaw na yun, ewan ko ba, basta masaya lang siyang paraan ng pagbo-bonding – mula sa paglamas ng karne, pag-asin sa isda, paghiwa sa hotdog, paghimas sa manok, pagdukot sa itlog, pagtadtad sa kamatis at sibuyas, hanggang sa pag-ihaw, pag-ahon, at pagtadtad ng karne – parang napaka-fulfilling lang ng pakiramdam. makikita naman ninyo dito sa mga susunod na larawan ang ibig kong sabihin =).
sa tingin pa lang, nasarapan na ako sa inihaw na baboy, manok, tuna, hotdogs, itlog na maalat w/ kamatis at sibuyas, toyomansi w/ sili at ang bulto-bultong kanin at saka coke and royal na maraming yelo. nakakatuwa nga kasi may "plating" pa talagang ginawa ang mga chefs (bukod siyempre sa pagbubukod ng "choice parts" ng manok gaya ng puwet, leeg, etc., hehehe...) bago ang mismong kamayan / rambulan. kaya naman ganadong-ganado ang mga tropa sa pagkain, talagang nilasap ang bawat kagat at lagok. hindi ko alam kung nabusog ba ang ilan sa amin sa pagluluto pa lang kasi parang ang dami pang natirang ulam – ako mismo na malakas nang kumain, sumuko agad at nabusog. at di ko rin alam kung saan gawa ang ginamit naming uling (marahil ay may halong hashish o marijuana yun) dahil ang kukulit naming lahat sa buong tanghaliang yun – as in puro kabulastugan ang mga hirit at patawa, na may iba pa nga sa aming nilabasan ng coke sa ilong (at naging sprite) dahil sa katatawa. as in riot talaga, friends. pambihira.
matapos magligpit ng mga kinainan, oras na para sa photo shoot sa Mag-Aso Falls. medyo hapon na noon kaya hindi rin masyadong matagal ang picture-an, pero sapat naman para sa lahat. salamat nga pala kina Lanie, Jhen at Cherr sa pagkuha sa akin – napa-gwapo ninyo ako sa mga pics, hehehe =). di ako masyadong nakapag-kuha ng pics dahil naubusan na ako ng battery, kaya nag-model-model na lang ako. yung cowboy hat ko din ay nag-model-model din – siya yung black studded velvet na cowboy hat na maaaring makita ninyo sa ibang mga albums. matapos ang group shot sa Mag-Aso Falls, bumalik na kami sa itaas para maghanda sa aming pagbalik sa Bacolod. salamat ulit Jhen sa pic ko sa may sign ng Mag-Aso Falls at dun sa Y2J pose ko sa Falls mismo, ha? matapos mag-karga ng mga gamit sa mga sasakyan, tinahak na namin ang daan pabalik ng Bacolod, at nag-stopover lang saglit para kunan ang sunset. sa pagkakataong ito ay inulit ko na naman ang "boss, chicks?" gag ko kay Abet para lang sa comic relief at pang-pawi ng pagod kahit papaano. di ko alam na tinatrabaho din pala nila ako sa kabilang sasakyan, hahaha! =))
habang naghahabulan ang mga sasakyan sa highway at nagkukulitan ang mga tao sa radyo, eh nilaro-laro ko na lang ang hawak kong bote ng tubig para malibang (kesa naman mag-drugs) sa daan. eh kapwa tulog sina Lanie at Sheldon na mga kasama ko sa likod ng sasakyan kaya sinubukan ko na lang libangin ang sarili ko sa pamamagitan ng paghimas sa bote ko (at baka may genie pang lumabas, bigyan pa ako ng 3 wishes). naipit pa nga kami sa traffic sa gitna ng dilim, buti na lang at naka-diskarte ng "Ginebra play" sina King at Abet para makalusot sa gusot na napasok namin. nag-stopover pa kami ulit sa palengke para makapag-CR, pagkatapos ay dumiretso na pabalik ng Bacolod.
since naubusan na ako ng baterya sa Mag-Aso Falls pa lang, nag-post na rin po ako ng ilang pics dito na galing sa ibang mga ka-tropa para kahit papaano ay kumpleto ang istorya sa album na ito. salamat nga pala kina Abet, Lanie, Terence, Jhen, Cherr at Rolly sa mga "hiram" na pictures na posted sa album na ito =). sa kabila ng matinding traffic, nakarating rin kami sa 18th St. Pala-Pala upang mag-dinner at i-enjoy ang matinding banda ng percussionists at siyempre ang mga nag-gagandahang dancers na nagpe-perform. napawi naman ang pagod namin dahil sa bottomless iced tea, sinigang na isda, inihaw na tilapia, tangigue, liempo, at hipon na sinalakay namin na parang mga gutom na pating. kasama nga pala ulit namin sina Maymee, JM, Rolly at Stash sa hapunang ito, at dumiretso na sa Pala-Pala si Jason pagka-galing niya sa airport. grabe, ang sarap talaga ng hapunang 'to... siyempre, may photo-ops din with the 3 stunning dancers ang buong grupo, ang grupo ng boys, at maging ang bawat isa sa mga boys ay may kanya-kanyang pictorials. salamat ulit, Rolly, sa "thank you, Lord!" at "WOW!" pose ko with the 3 dancing ladies. oo, inaamin ko, pinagsabay ko nga silang tatlo – pero sa picture lang – hindi sa puso. =)) salamat din Cherr, sa mga kuha naming tatlo nina Thina at Jhen sa bench, hihi... =)
medyo pagod na ako pagdating sa hotel, kaya naligo na lang ako at pinaghihilod ko ang mga libag ko sa katawan para matanggal sila. ang sarap ng pag-masahe ng mainit na tubig sa katawan ko, although mas okey pa rin talaga ang masahe ng tao. parang wala na nga rin ako sa mood gumala sa labas nun para uminom, pero nang malaman kong sa hotel lang nag-iinuman sina Abet at Jason, sumama na ako kina Donnie at Cherr sa pagbaba, at binitbit ko na rin ang chichirya para may pika-pika kami. andun din si Joyce, kaya nag-serbisyo din ako ng pagmamasahe sa kanya habang ini-enjoy ang aking San Miguel Cerveza Negra (na huli ko yatang natikman nung 2003 pa). humabol din si Sheldon at ang ilang ka-tropa niya sa mesa namin. tamang pampa-antok lang at pang-kwentuhan lang ang dosage namin ng alkohol nung gabing yun kasi susunduin pa nina Abet at Jason sina Nona and Clint sa airport kinabukasan. after mag-settle ng bill, umakyat na din ako para matulog, although ang palabas kasing inabutan ko sa WWE 24/7 ay ang Hall of Fame speech ni Ric Flair kaya hindi rin ako natulog agad. matapos ang wrestling history lesson na iyon, saka ko lang nilasap ang lambot ng kama para matulog at magpahinga. after all, may dalawang araw pang natitira sa unforgettable adventure kong ito.