masyadong na-delay ang pagsulat ko nito, obviously. nagluko kasi ang PC namin sa bahay nung pag-uwi ko galing Caramoan at Pili, kaya ultimong pag-kopya ng pictures mula sa camera ay inabot pa ng isang linggo dahil sa kung anu-anong alingasngas katulad ng reformatting at pag-install ng Windows, programs at iba pang kapaimbabawan. Oo na, oo na, alam kong ang iba sa inyo ay nag-iisip ng: “Sa presinto ka na magpaliwanag!” pero yun talaga ang totoong nangyari, peksman.
December 27, 2008, Sabado: medyo maaga akong nagising dahil kinagabihan, imbes na mag-pack ako ng mga gamit ko ay pinanood ko ulit sa cable yung “Good Luck Chuck” dahil nagandahan ako sa istorya niya at dahil sa kagandahan ni Jessica Alba – oo, inaamin ko. nang malapit na akong matapos, gumamit muna ako ng PC para masilip yung itinerary na inemail ni King Louie. since wala kaming printer sa bahay, kinopya ko na lang sa aking notebook ang lahat ng detalyeng nakasulat doon. pagkatapos ay matutulog sana ako, kaya lang sa di ko maipaliwanag na dahilan, eh hindi naman ako makatulog nung hapong iyon. mga alas-5 ng hapon ay naligo na ako para makapag-ipon ulit ng tubig – para kasing pag-ihi ng bata ang tulo ng gripo namin, so matagal talagang mag-ipon. mga alas-7 na nang makaalis ako ng bahay, and since sa tapat lang ng Ali Mall yung bus terminal, hindi ako nag-worry na maliligaw ako – dahil kahit lasing ako ay kaya kong matunton ang lugar na iyon.
pagdating ko doon ay napakaraming tao kaya’t naging maingat ako at baka madukutan o maagawan ako ng gamit. mamaya-maya lang ay nakita ko na si Donnie at hinintay namin ang iba pa naming mga makakasama. ka-text ko at that time si Joyce at sinabi niyang nasa Starbucks Ali Mall siya with Agnes and Clint. matapos ang ilang minuto ay nakita ko si Josiah sa may office ng Isarog Bus Line, so nilapitan namin siya ni Donnie. ipinakilala kami ni Josiah kay Ealden na kasama na niya nung oras na yun, at mamaya-maya ay dumating na rin si King Louie at isa-isa niyang tiningnan kung nandoon na ang mga participants. andun na ang magkapatid na sina Czarina and Dennis, Donnie, Josiah, Ealden, ako, Joana, Marlon, Lyza, Denver, at sumunod na rin sina Agnes, Joyce at Clint. since 8:30 pm pa naman ang ETD namin, medyo naghintay-hintay muna kami doon sa terminal. nagsabi si Jhen kay King na medyo matatagalan pa siya bago dumating kaya sa loob ng bus na kami naghintay para makapag-load na ng mga gamit. since lazyboy ang seats, medyo natuwa ako kasi at least mas masarap matulog sa biyahe, kaya lang ay walang CR yung bus namin kasi nagkaroon ng last-minute changes. pagdating ni Jhen, lumarga na kami para i-pick up sa Magallanes sina Tito Roy, Tita Lynn, Kael and Ayin. nanibago ako kay Jhen dahil sa traces ng make-up – galing kasi siya sa kasalan bago pumunta sa terminal. wala lang. pagdating sa Magallanes, sumampa na sa bus sina Tito Roy at binati namin sila ni Tita Lynn – mga co-participants kasi sila dun sa Banaue-Sagada trip na sinamahan namin nina Donnie, Jhen, Joyce, Clint, Marlon, Joana and Lyza. habang umaandar ang bus, nagte-text ako sa mga kapamilya at kaibigan to tell them na pa-biyahe na kami. since medyo inaantok na rin naman ako, i decided to doze off in my seat habang nagkukuwentuhan ang iba pa naming mga kasama. masarap naman ang pagtulog ko, at medyo nagising lang ako sa mga stopovers at sa ginaw ng aircon. isinara ko na yung aircon bandang madaling-araw dahil maginaw na sa loob ng bus, at patuloy na lang ako sa paghilata sa aking upuan.
December 28, 2008, linggo: pagdating sa Naga City ay ikinarga na namin sa mga van ang aming mga gamit at bumiyahe kami papuntang Sabang port. pagdating doon ay medyo umaambon-ambon pa kaya tumambay muna kami sa tindahan doon at nag-almusal ang ilan sa amin habang ibinigay ni King ang aming mga bagtags. Nagka-bukingan na naman tuloy kung sino ang mga adik sa RACE, hehe… matapos isulat sa manifesto ang mga pangalan, naghanda na kami sa pag-waterproof ng aming mga kagamitan. mabuti na lang at may binebentang plastic bags sa kalapit na tindahan para sa mga pasaway na katulad ko, kaya bumili ako para pagsidlan ng mga gamit ko. salamat nga pala kay Joyce dahil nakilagay ako ng cellphone at camera sa zip-lock bag niya – na pag-uwi ay ipinamana niya sa akin. salamat ulit =o). naghintay muna kami sa pagdating ng lantsa sa maliit na kubo sa may pampang habang patuloy ang pag-ambon. pagdating ng lantsa ay ikinarga na ng mga manong porter dito ang aming mga kagamitan. akala ko nga ay nagkamali lang ako ng rinig nang may nagbanggit sa kanilang bubuhatin din naman nila kami papunta sa lantsa, pero yun na nga, binuhat nila kami isa-isa sa kanilang mga balikat pasakay sa lantsa. sa mga medyo magagaan, sa isang balikat lang sila ng mga porter nakasakay, at sa mga medyo mabibigat naman, sa magkabilang balikat ang pagsakay. nang ako na ang bubuhatin, siyempre dun ako sa pinaka-malaking porter nagpabuhat at baka murahin ako nung mga mas payat pag nagka-luslos sila – mabuti na lang at nakaya ako ni Kuya. since dalawang oras ang biyaheng iyon, nag-relax-relax muna kami sa aming mga upuan habang hinihintay ang aming pag-alis (na medyo matagal din dahil may mga hinintay pang pasahero). sinubukan kong umidlip-idlip sa biyahe habang mine-maintain ang aking balance, at nilasap ko din ang mga tanawin habang papuntang Guijalo.
umaambon pa rin pagdatin naming ng Guijalo, at pinagtulungan naming iahon ang lahat ng aming mga kagamitan upang madali nang maikarga sa sasakyang naghihintay. dito ko nalaman na madali palang mabutas ang binili kong plastic bag sa Sabang dahil sa hinlalaki ko pa lang ay nabutas na ito. pagdating ng aming sundong jeep, ikinarga na namin ang mga gamit namin at dumiretso na kami sa aming tourist inn para mag-check-in at kumain ng lunch. pagdating doon ay hinanap ko agad ang conference room (a.k.a. ang CR) para makipag-meeting kay mayor. matapos iyon ay sumunod na ako sa kanila sa dining hall sa itaas upang mananghalian. ang inihain sa amin ay sinigang na hipon, adobong isda, lechong kawali at adobong manok, at ang panghimagas namin ay orange. pinili kong kainin ang lechong kawali at sinigang na hipon bago nagbalat at kumain ng orange – medyo dinagdagan ko ang kain kasi first meal ko yun since the night before. matapos ang tanghalian ay naghakot na kami ng mga gamit at inilagay sa kwarto – nagkamali pa ako ng intindi dahil akala ko ay dun ako sa kabilang resort, yun pala ay sa inn din ako kasama sina King, Joyce, Agnes, Clint, Dennis, Czarina, Donnie, Jhen, at Denver. sa kabilang resort naman sina Tito Roy, Tita Lynn, Kael, Ayin, Joana, Marlon, Lyza, Josiah at Ealden. nagbihis lang kami ng aming island-hopping attires at nag-CR bago tumuloy sa pantalan para mag-bangka papuntang Tinago Beach. dahil nag-uuulan pa rin, in-advise kami ni King na sinabi nung mga bangkero na hindi raw mapupuntahan yung ibang isla dahil sa lagay ng panahon. ganunpaman, maganda pa rin ang tanawin papuntang Tinago Beach – yung mga limestone cliffs at dagat reminded me of Coron, Palawan. dalawang bangka nga pala ang sinakyan namin papunta doon, at kahit maulan ay nagsi-lublob pa rin kami sa dagat at nagpicture-taking – salamat nga pala kina Tito Roy at Kael sa pagkuha ng mga pictures. kakaiba rin talaga ang mood ng pagbi-beach sa gitna ng ulan – ironic kasi masaya, as opposed to the usual melodrama associated with rain. dahil hapon na rin kami nakarating doon, hindi kami masyadong nagtagal dahil kinailangan nang bumalik sa inn para mag-wash up, mag-dinner at mag-socials. medyo lumakas ang ulan nang pabalik na kami kung kaya’t tiniis lang namin iyon hanggang makarating kami sa Guijalo. pagbalik sa inn ay kanya-kanya kaming sampay ng mga basang damit sa balcony ng inn. medyo pila-balde kami sa mga banyo dahil walang mga banyo ang rooms namin sa inn. habang naliligo ang iba ay tumambay kami sa lobby ng inn at nanood ng Tropic Thunder sa DVD player ni Czarina at nag-beer habang hinihintay ang dinner. pagpila ko sa banyo sa itaas, nalaman ko na chopsuey ang isa sa mga ulam at narinig ko rin sa mga usap-usapan ng mga nagluluto na may inihaw na liempo at pusit. mabuti at malakas naman ang tulo ng tubig sa gripo kung kaya’t solb ang paliligo. pagbaba ko sa lobby ay tuloy ang Tropic Thunder at nag-beer na rin ako, pampa-kalma ng isipan at pampa-relax ng katawan. nang makumpleto na ang grupo, nag-dinner na kami – lasap na lasap ko ang sarap ng inihaw na liempo, chopsuey at sweet and sour lapu-lapu, and as usual, solb na naman ang tsibog. Napagkasunduan din na ganapin ang socials dun sa resort kung saan naka-check-in sina Tito Roy. Maganda ang lugar, kubo-kubo ang kwarto with CR, may pantry, refrigerator at siyempre, beer at mani. pagdating naming mga taga-inn (King, Donnie, Clint, Joyce, Ako, Dennis, Czarina) sa resort ay may special screening pa pala ng “One More Chance” sa kwarto nina Joana, Marlon, Lyza, Ealden at Josiah. matapos ang viewing ng OMC ay nagsimula na ang inuman/yosi/kwentuhan sessions. since espesyal na okasyon naman yun ay nagyosi na rin ako (para sa mga hindi nakaka-alam, retired na ako sa paninigarilyo – upon request or kapag may okasyon na lang ako humihithit ng usok). medyo na-grill namin si pareng Josiah nung gabing iyon, pero game naman siya sa question and answer portion kaya i guess okey naman ang lahat dun. present sa inuman were Joyce, King, Czarina, Dennis, Clint, Ako, Donnie, Tito Roy, Kael, Ealden, Marlon, Joana, and ang “most interrogated” naming kaibigang si Josiah. walang police brutality na nangyari sa aming pagtatanong although may umuuga-ugang ilaw sa mesa at one time to simulate “cooperation,” hehe. sayang at hindi kami kumpleto dahil wala sina Jhen, Agnes at Denver sa session na iyon. pasado alas-onse ay ubos na ang beer at mani, kaya nagsipunta na sa kwarto ang mga sesyonista. nagpahatid na kaming mga taga-inn pabalik, ngunit sa kasamaang-palad ay nasiraan ng gulong ang aming tricycle. mabuti na lang at malapit lang ang inn kaya’t nilakad na lang namin pabalik. hindi naman kami gumapang paakyat ng hagdan dahil medyo bitin pa nga ang inom pero okey naman dahil masarap yung kwentuhan. matapos mag-toothbrush ay humilata na ako at nagdasal upang magpasalamat sa Kanya at natulog na. para sa roommates ko, pasensiya na kung may nagising sa inyo dahil sa paghihilik ko.
December 29, 2008, Lunes: maaga ang wake-up call, mga alas-6 ng umaga. medyo starstruck ang simula dahil nagpakuha kami ng picture with none other than Mt. Everest conqueror, Mr. Leo Oracion. ang bait niya sa kanyang pagpapaunlak sa aming request, at mukhang maganda rin ang simula ng araw dahil lahat yata kami ay nanalangin na umaraw, kaya maaliwalas ang umagang iyon. nang makumpleto ang grupo, kumain na kami ng almusal naming tocino, itlog, kanin at pritong dilis. salamat pala sa mga mababait na nag-donate sa akin ng tocino nang maubusan ako – ang ganda ng simula ng araw ko dahil sa ganitong gesture, and i just had to mention that. salamat ulit sa inyo Ü. masarap ang dilis, itlog at tocino, by the way, at hindi mamantika ang pagka-luto. at may kasamang panulak na 3-in-1 coffee ang almusal kaya’t mas masarap ang pakikipag-meeting kay mayor pagkatapos. matapos ang almusal ay nag-picture-picture taking kami sa lobby at sa balcony ng inn. kontento na ako sa pagkuha ng candid pics ng mga participants/friends dahil yun ang isa sa mga ikinatutuwa ko sa mga okasyong ito – at lahat naman sila ay game na ma-picture-an. medyo lower-end ang quality ng pics ko kaya pasensiya na po kayo. nang handa na ang mga tao at ang mga dadalhin ay tumuloy na kami sa pantalan ng Bikal para pumunta sa Tabgon Island upang umakyat patungo sa Shrine ng Our Lady of the Holy Rosary. dalawang batch ang paghatid sa amin sa pantalan, at sa una ako sumama. nagtulungan kami sa paghakot ng mga gamit at tumambay muna sa isang tindahan habang hinihintay ang aming mga iba pang kasama. siyempre, picture-taking at pag-inom ng softdrinks ang activity of choice habang naghihintay. nanatiling maaliwalas ang panahon, at nang makumpleto na kami ay sumakay na kami sa bangka papuntang Tabgon – and this time ay iisa lang ang sinakyan namin. nasa bandang likod na puwesto ako kasama sina Donnie at Josiah. hindi naman matagal ang biyahe kung kaya’t nasa Tabgon na kami kaagad. pagdaong ng aming bangka ay nagsibaba na kami, nag-picture taking sa may pantalan at nagsimula nang maglakad papunta sa shrine na tanaw mula sa malayo pa lang. sabi ni King ay mas kaunti ang steps paakyat ng Shrine of Our Lady of the Holy Rosary kumpara sa Mt. Tapyas sa Coron, kaya medyo inisip ko na hindi ako masyadong hihingalin =o). nag-picture taking ulit kami sa paanan ng bundok bago tumuloy sa pag-akyat, may seryoso at may wacky shot din. sumabay ako kina Joyce at Clint sa pag-akyat, and since nagpakitang-gilas si Haring Araw ay medyo uminit nang medyo malapit na kami, pero dahil sa konting pacing-pacing ay nakaya naman. nagpahinga kami nang kaunti sa isang spot malapit sa tuktok kung saan maganda ang view ng dagat at iba pang mga isla. at this point ay kumulimlim nang kaunti at medyo umambon pa nga at humangin nang malakas-lakas – kaya naman yung ibang kuha ay “mahangin ba sa labas?” look ang tema. nonetheless, narating din namin ang tuktok ng bundok at nag-picture taking pa ulit malapit kay Mama Mary – dun nga ako nagpa-picture nang naka-Y2J pose, and although naka-ilang take, okey pa rin naman ang kinalabasan. matapos kumuha ng group picture ay bumaba na kami at bumalik sa pantalan para kumain ng lunch.
siyempre, panalo na naman ang tsibog namin: adobong pusit, laing, pritong breaded pork chop at isang damukal na kanin. although hindi ako tumodo sa lunch dahil nga magte-trek pa kami patungo sa Kalupnit Cave, i have to say na subtle yung anghang/aftertaste nung laing, malambot at tama yung lasa ng pusit at malutong at tama lang yung timpla ng pork chop. matapos pababain ang aming kinain, nag-tricycle na kami papunta sa bukid para mapasok ang Kalupnit Cave. natuwa pa ako dun sa dalawang baboy na nakatali sa may pilapil, that i had to take their picture – naka-dapa yung isa at parang nagsi-siesta, samantalang nanginginain naman ng damo yung isa Ü. para sa akin, ang trek namin papuntang Kalupnit ang pinakamalupit na ginawa namin sa araw na ito dahil kinailangan naming maglakad sa pilapil, sa putik at tumawid sa ilog – at sa ilang bahagi ng trek ay kinailangan naming maglakad nang naka-paa. i thought to myself: “pambihira, ito ang adventure!” – wala lang, kasi napansin ko lang na yung mga dugyot moments ang ilan sa mga pinakamasarap at pinaka-fulfilling. matapos ang ilang pagkaka-dulas at pagkakalubog ng paa sa putik ay narating din namin ang Kalupnit Cave. challenging ang pagbagtas namin doon kasi dalawa lang ang lamps ng mga guides namin, kaya talagang nag-ingat kami sa pagkapa-kapa ng daan at pagsunod sa mga nauuna naming mga kasama. ilang beses din akong nadulas sa loob ng kweba, pero ganun talaga – so itinuring ko na lang siyang challenge na malalampasan. may isang spot doon kung saan kailangan mong dumapa at gumapang sa tubig para makalusot sa makipot na butas, and surprisingly, madali ko siyang nalusutan kaya tuwang-tuwa ako pagkatapos. nakapag-group pic pa kami sa loob ng kweba salamat kay Kael bago umahon at bumalik sa bukid. medyo matarik na yung daan pag-ahon ng kweba kaya medyo nagdahan-dahan din ako sa pagkapit at pag-apak sa mga bato. sa kabutihang palad ay nakalabas naman ako nang matiwasay at tumuloy na sa daan pabalik, kung saan madulas din ang mga bato at maputik. matapos makalusot sa mabatong daan ay doon naman sa madulas at maputik na daan pababa kami dumaan – at umi-skid ako pababa at napa-upo pa nga – nakakatawa talaga. hindi pa yun ang huli sa mga “stunts” ko dahil mayroon pang mga kasunod. nagpahinga lang kami nina Jhen, Denver, Kael at Ayin habang hinihintay ang iba pa naming mga kasama – kumbaga sa Amazing Race (pun intended) ay kami ang unang grupong nakarating, kaya naman nag-picture taking pa bilang patunay/ebidensiya. nang makumpleto na kami ay tumuloy kami sa pagtahak ng daan pagbalik, kung saan napa-upo ulit ako sa maputik na daan – okey lang kasi ako lang naman ang may kaya nun eh Ü. pagtawid sa ilog, i made the mistake of not removing my mojos kung kaya’t nang malubog ang paa ko sa putik, paghugot ko ay napatid at bumigay na ang strap ng old reliable pair ko, tsk tsk… kaya no choice na ako kundi i-retire sila pagkatapos nito. it meant na kailangan kong maglakad barefoot all the way back, but i was up to the challenge naman, sa kabutihang-palad (or paa for that matter). pagtawid sa huling tulay ay bukid na ang dadaanan namin, at may nakita akong baboy na tumatakbo sa pilapil at itinuro ito kay Joyce. mga five to ten seconds later ay nadulas ako sa maputik na daan at bumagsak nang naka-dapa. naisipan ko na lang na mag-push-ups para pang-comic relief sa mga kasamahan namin kasi ako mismo ay natawa sa sarili ko dahil lahat na yata ng posisyon ng pagka-dulas ay nasubukan ko nung hapong iyon Ü. para tuloy akong nasa isang pelikula ni Rene Requiestas dahil sa mga pagsabit ko, hehehe… pagdaan namin sa isang balon doon sa komunidad na dinaanan namin ay isa-isa kaming nakapaghugas ng mga paa’t kamay namin. bitbit ko pa rin ang maputik kong mojos at sinabi pa nga ni Kuya na iwan ko na lang daw yun dahil sira na, pero sabi ko na iuuwi ko na lang – may sentimental value kasi yun, marami akong nakilalang importanteng tao sa buhay ko at silent witness ang mga mojos kong iyon sa mga moments with those important persons. totoo yun, peksman. mamaya-maya lang ay nagpahinga kami nang saglit sa may tindahan kung saan uminom sila ng Pop at nagkuhaan ulit ng pictures. nag-pass na muna ako sa Pop, pero hindi sa picture-taking – in fact, nauntog pa ako sa naka-usling kahoy sa tindahan dahil humabol ako sa group shot. sabi nila ay malakas daw ang pagka-untog ko, pero hindi ko naman masyadong naramdaman dahil siguro mas masakit yung ibang parte ng katawan ko sa pagpunta at pagbalik mula sa Kalupnit Cave.
nang dumating na ang aming mga sundong tricycle ay sumampa na kami sa kanya-kanyang sasakyan – at sa kamalasan ko ay may narinig akong napunit. sa dinami-dami ng mas mahihirap na dinaanan namin sa pagpunta, pagsuot, at paglabas ng kweba, ni hindi napunit ang shorts ko – talagang sa pagsampa ko pa sa tricycle at saka niya naisipang mabiyak. mabuti na lang at may bitbit akong malaking bote ng tubig kung kaya’t natakpan ko ang dapat matakpan – mabait pa rin si Lord, di ba? pagdating namin sa pantalan ng Tabgon ay sumakay na kami sa aming bangka matapos ang ilang pagkuha ng litrato. barefoot pa rin ako nito hanggang makarating kami sa isa pang isla na hindi ko naitanong ang pangalan dahil hindi rin kami nakababa doon. instead, dumiretso kami sa napakagandang Matukad Beach kung saan nag-pictorial kami ng mala-pang-kalendaryo ang dating. pinong-pino ang buhangin dito at kanya-kanyang sulat kami ng pangalan at pa-picture bago pa man mabura ng alon ang aming mga isinulat. salamat nga pala kina Joyce at Ealden sa pagkuha ng picture ko Ü. may kuha din kaming tatlo nina King at Donnie dun sa batong inakyat ni Jhen, at magandang vantage point pala iyon dahil kitang-kita ang mga tao sa ibaba. tapos may maganda pang spot doon kung saan pinilahan ng mga participants ang isang malaking kumpol ng bato para magpa-picture kina Kael at Ayin – siyempre hindi na ako nagpa-kipot at pumila agad at baka mai-print pa sa kalendaryo [wink, wink ;o)]. sayang at hindi kami gaanong nagtagal doon dahil palubog na rin ang araw, pero super-saya pa rin kasi masasarap kasama ang lahat ng participants. matapos ang pagkuha ng group pic ay kinailangan na naming bumalik sa pantalan ng Bikal, at kahit medyo maalon ang aming biyahe ay okey lang kasi hindi naman umulan, at saka maganda ang paglubog ng araw. may nakita pa kaming hawk at malaking paniki habang pabalik, bago dumilim nang tuluyan. pagdating namin sa pantalan ng Bikal ay sumakay na kami sa naghihintay na jeep at ihinatid na kami sa Rex Inn.
naka-paa pa rin ako nito at pag-akyat sa inn ay nagsampay ako ng mga basang damit sa balcony at nag-ayos ng mga gamit ko. mabuti at medyo mas matagal akong nakaligo this time, kaya mas presko ang pakiramdam ko pagkatapos. medyo mahapdi nga lang yung ibang sugat/gasgas ko nang masayaran ulit ng tubig, pero sa sarap ng dinner pagkatapos ay bale wala na ang hapdi. ang line-up sa dinner table ay fried chicken, binagoongan w/ siling labuyo at maraming-maraming-maraming steamed alimasag na pinagbibiyak at pinagpipitpit na. grabe, tumulo ang sipon at pawis ko dahil sa tindi ng anghang nung binagoongan pero panalo talaga dahil sinamahan pa nung sariwang alimasag. kamayan-style ang kainan namin, at kahit yung mga may allergy sa alimasag ay uminom lang ng gamot pagkatapos dahil sa sobrang sarap nung alimasag – at ‘ika nga ng isang kaibigan eh “masarap talaga ang bawal.” at the best din ang panulak na coke at sprite na may yelo – talagang gumuguhit sa lalamunan ang lamig nila, kaya pawi din yung anghang ng sili. matapos kumain ay pinababa lang namin ang kinain nami at nagsimula na sa inuman – ako ang nagpaikot ng tagay ng lambanog at pagkatapos ay nagbanlaw kami ng San Mig Light. oks naman ang mga kwentuhan namin at may sounds pa nga kami. at mukhang nagustuhan naman ng tropa ang dinala ko kaya natuwa din ako. matapos ang session ay pumunta ako sa banyo para mag-code 1 at mag-toothbrush. pagbalik sa kwarto ay humiga na ako, nagpasalamat sa Kanya dahil sa magandang araw ko at natulog. at, oo nga pala, pasensiya na rin kung may nagising o naistorbo dahil sa paghihilik ko Ü.
December 30, 2008, Martes: mas maaga ang wake-up call namin dahil pa-check out na kami, at naka-pack na rin ang mga kagamitan namin para bibitbitin na lang. bumili ako ng aking souvenir shirt, at mabuti naman at mayroon pa silang size na kasya sa akin. matapos yun ay masarap na breakfast naman: longanisa, itlog, kanin at kape – tamang-tamang pampainit ng sikmura. matapos ang almusal ay nag-ritwal lang ako sa banyo at ready to go na ang lahat, kahit umaambon na nung mga sandaling iyon. pagsakay sa jeep ay tiningnan ko lang uli ang Rex Inn, at inisip ko rin na sana makabalik uli ako dun. paglayo nang kaunti ay naalala ni Jhen yung shades niya na naiwan daw niya sa sala. binalikan iyon ng aming kasama pero hindi raw makita, so sinabi ni Jhen na di bale na raw at binilin na lang ni King na pakitabi na lang kung sakaling mahanap pa. eh kaso, paglayo-layo namin sa Rex Inn ay naramdaman ni Jhen sa hood ng kanyang jacket yung “nawala” niyang shades, so medyo okey na at nagtawanan na lang kaming lahat sa nangyari. pagdating namin sa pantalan ng Guijalo, nag-sign lang kami sa manifesto at nagsisakay na sa bangka. kasama ko sa upuan sina Agnes and Lyza, while naka-pwesto naman sa harap namin sina Tito Roy and Tita Lynn. since mahaba-haba ang biyahe, nilasap ko lang ang view ng dagat, ang pagsikat ng araw sa mga isla at bundok, at mga ulap. napapaidlip-idlip din naman ako sa biyaheng iyon dahil medyo nabitin din sa tulog kagabi. nang medyo malapit na kami ay nakakita ako ng rainbow – what a beautiful sight, and maybe a sign of even better things to come, literally and figuratively. pagdating namin sa pantalan ng Sabang, hinakot namin ang aming mga gamit papunta sa aming mga sasakyan at tumuloy na papuntang Pili.
dumaan kami sa isang simbahan para makapag-photoshoot ang iba naming mga kasamahan, samantalang nagkwento lang ako kay King ng mga ka-dramahan ko dati bago ko pa man masubukang sumama sa RACE (yung origins ng “hindi ko kayo pinagsabay – pinag-sunod lang” catchphrase). kaya ko siguro naalala eh dahil December 30, 2006 ko nalaman na pinalitan na ako nung ex- ko – ngayon ko lang na-realize (it’s 3:33 am, January 18, 2009 na) – hayup sa reminder, ano? anyway, okey lang siguro yun – tutal, kung hindi nangyari yun eh baka hindi ko nakilala ang mga tropa ko sa RACE – and i always have a great time kapag nakaka-gala with them, or kahit bonding lang over alcohol/food. back to my story, after the church ay may dinaanan pa kaming ruins ng isang malaking bahay kung saan nag-photoshoot ulit sila. ang iba naman sa amin (myself included) ay nanatili na lang sa loob ng sasakyan at nagkwentuhan/nakinig sa mga sinasabi ng isa’t isa. pagkatapos ay dumiretso kami sa bilihan ng mga pasalubong, sa may palengke, at bumili ng iba’t ibang uri ng minatamis na pili. nang makapamili na ang lahat, dumiretso na kami sa CamSur Watersports Complex or CWC para sa kneeboarding at para mag-enjoy pa ng iba’t ibang pwedeng i-enjoy doon. napansin ko agad ang mga naka-paskil na autographed pictures at boards ng mga magagaling na wakeboarders na nakasubok na sa facility ng CWC – naisip ko na maganda talaga siguro sa CWC. dineposit lang namin ang aming mga pasalubong matapos ilagay sa big bag ni Jhen dahil bawal yatang magdala ng pagkain sa loob. may isang kubo na naka-reserve para sa amin, at doon kami naglagay ng mga gamit at tumambay habang tumitingin sa menu ng mga pwedeng orderin for lunch. i settled for pork barbecue kasi wala lang, usually masarap naman yun eh, at saka Sprite. sinabi rin pala ni King na 2 batches kami sa kneeboarding na tig-1 oras bawat batch – 3-4 ang batch 1 at 4-5 naman ang batch 2. nilista muna namin ang mga gustong mauna bilang batch 1 (Jhen, Dennis, Joana, Marlon, Denver, Josiah, Tito Roy, Tita Lynn, Lyza and King) at kaming mga natira (Donnie, Mic, Clint, Joyce, Agnes, Czarina, Ealden, Kael and Ayin) ay sa batch 2. habang hinihintay ang aming orders ay papitik-pitik lang ng picture-taking ang mga tao at panood-nood ng mga wakeboarders and kneeboarders. by this time ay umuulan na kaya medyo dun lang kami sa kubo at di makagala masyado. unti-unti nang nagdatingan ang aming orders kaya nakakain na kami. pagkakain ay nakipag-meeting na kay mayor ang mga may appointment, at nag-gala-gala naman ang iba. naglaro pa pala kami ng foozeball nina Donnie, Clint at Joyce – at napansin kong naglalaro ng ping-pong sa kabilang mesa ang retired PBA player na si Gerry Esplana, and it’s either mukha siyang mas maliit sa personal or talagang nakaka-tangkad ng hitsura ang TV. anyway, matapos yun ay bumalik na lang kami sa kubo at nag-sign ng mga waivers. by the way, nagpa-ice cream pala si Lyza dahil birthday niya nung araw na iyon. pinili kong tumambay na lang din dun sa kubo habang naka-salang na ang batch 1 tutal ay tanaw ko naman sila kahit mula sa kubo lang. nang magsimula na sila sa kanilang kneeboarding, naisip ko na “paano kaya pag ako na? sesemplang kaya ako?” biruan nga namin ng mga “batchmates” na kanya-kanya kaming dahilan kapag sumemplang – naisip kong dahilan eh ngumiti yung isa sa dalawang floating cows dun sa tubig, hehehe. sabi ko nga in jest na makarating lang ako dun sa dalawang floating cows eh masaya na ako. nang magsimula sila, napansin ko na maganda ang performances nila, kaya naisip ko rin na makakaya ko rin kahit papaano – bahala na, di ba? kaysa naman hindi ko susubukan tapos masaya pala, eh di magsisisi lang ako. matapos ang isang oras ng panonood, sinalubong na namin ang aming mga kasamang nasa batch 1 para hiramin ang kanilang gear. yung suot kong helmet at lifevest ay yung ginamit ni Marlon. siyempre ay may souvenir picture kaming batchmates in complete gear and wrist tapes. basta, “nothing to lose” attitude lang kami. at sabi ni King na ‘pag sinunod mo naman yung instructions eh makakaya mo yung kneeboarding. so, kanya-kanya kaming kuha ng kneeboards at nakinig sa directions at safety measures na sinabi ng aming instructor. ayaw kong sumemplang kaya nakinig akong maigi, kahit ba kinukunan kami ng pics ng aming mga kasamahan at medyo natutukso akong tumingin sa camera. nang pumila na kami dun sa may operator, magkahalong nerbiyos at excitement ang naramdaman ko, at tinanong ko sa sarili ko kung hanggang saan ako makakarating. nang hatakin na ako ng cable, adrenaline na ang nagdala sa akin – at oo, nakalampas ako dun sa dalawang floating cows kaya naka-boundary na ako. umabot ako dun sa may exit, pero hindi ako naka-full ikot kasi sa sobrang lakas nung huling hatak, nakabitaw talaga ako at tumilapon sa may gitna ng tubig – at totoo nga yung sinabi ng instructor na kapag di mo binitawan agad yung cable ay mahuhubuan ka ng shorts. medyo nakakangawit pala siya sa braso, particularly sa triceps dahil most of the time ay ime-maintain mong nakababa sa bandang harap ng tuhod mo yung cable. after that initial adrenaline rush, dumiretso ako sa mga kasamahan namin para pagkwentuhan ang pakiramdam ng first-time kneeboarder, at hinihingal talaga ako. napagkasunduan namin na umulit pa para at least maka-isang full lap. maganda ang performance ng mga batchmates ko, at nakakatuwa dahil lahat kami ay nag-e-enjoy – kahit mga kabado noong una, pero kaya naman pala namin. habang nagpapahinga sa gilid ay nagchi-cheer din kami sa mga batchmates naming sumasalang pa ulit. sa aming batch, prolific at nakaraming ulit si Czarina – at least six times ko siyang nakitang nag-kneeboard – ang tindi. nang makapahinga nang kaunti ay sumalang ulit ako, hoping this time ay maka-full lap ako. as it turned out, doon ulit ako nakalas sa same spot noong nakaraan – but this time, sa gitna tumilapon ang board ko at ako naman sa may gilid. i had to “swim” papunta sa gitna to retrieve my board at para makabalik sa exit. so ayun, nabitin ulit pero masaya naman. i decided to hand over my board at kunin ang aking tsinelas at manood na lang sa ibang mga riders. maya-maya ay naki-lublob na rin ako sa swimming pool para maka-relax nang konti. after that ay nag-wash up na kami sa shower room, at nagbiruan pa na magsasabunan kami ng katawan kasi masasakit ang mga braso namin. hindi natuloy ang “soaping one another” activity namin, pero lahat yata kamig mga kalalakihan ay nagsi-ungol dahil sa sarap ng init/lamig ng shower at dahil na rin siguro sa sakit ng katawan. matapos maligo ay nagligpit na ako ng mga gamit ko habang ang iba ay nag-dinner. i decided na solb na ako sa tubig kaya hindi na ako umorder ng pagkain. After makapag-ayos ng mga gamit ay nagkuha na ng souvenir pic sa CWC courtesy of Kael – isang seryoso at isang wacky siyempre. after that, binitbit na namin ang big bag ng pasalubong at kinuha ang kanya-kanyang goodie bags. batid ko sa mga hitsura nila na nag-enjoy naman ang bawat isa sa stay namin sa CWC. pero noong mga oras ding iyon ay kailangan na naming bumalik sa Naga kaya nag-board na kami sa kasunod na coaster ng CWC. pagdating namin sa Naga ay umuulan na ulit, pero mabuti na lang at andun na yung bus na sasakyan namin pabalik ng Cubao. bumili lang sila ng mga kailangan pa nilang bilhin bago kami bumalik, at dun muna ako sa may bus para magbantay ng mga gamit, tutal ay wala naman akong kailangan pang bilhin. pero may lumapit sa aking nagbebenta ng pasalubong kaya napabili rin ako ng extrang minatamis na pili, na mura naman. at may mga batang nag-carolling pa sa harap ko, so pagkatapos nilang kumanta at binigyan ko sila ng tig-10 piso – natuwa din ako kasi hindi sila katulad ng ibang bata na kapag naiabot mo na yung pera eh mga nagiging suplado’t suplada sa personal bigla. mamaya-maya lang ay nagbalik na sila at nagsisakay na rin kami sa bus namin – this time ay may CR na kami kaya kahit tumawag si mayor ay walang problema sa meeting-meeting. sa pinaka-likod ako naka-assign kaya dumiretso na ako doon at inilagay ang aking backpack sa likod ng upuan. medyo hininaan ko ang aircon para hindi naman masyadong maginaw sa pagtulog – anyway, may kumot naman ako at bonnet kaya walang problema sa ginaw.
December 31, 2008, Miyerkules: puro tulog lang ang ginawa ko sa halos buong biyahe, at kahit naalimpungatan ako nung stopover ay hindi na ako bumaba. natulog ako ulit, at nagising lang ako nang bumaba si Jhen – 3:16 am ang nakalagay sa orasan ng bus noong sandaling iyon. natulog ulit ako, at nagising nang magbabaan na ang karamihan sa aming mga kasama. lumipat ako sa upuan sa harap ng kinalagyan ko kasi gusto kong medyo makaunat pa – ramdam ko na ang epekto ng kneeboarding, i.e., mahirap nang kumilos. ilan na lang kaming sa Cubao bababa: Ako at sina King, Donnie, Josiah at Ealden. pagdating ng Araneta ay paika-ika akong bumaba ng bus, at hindi ako nakagamit ng CR dahil hindi naman kinailangan. ayun, pagbaba namin ay andun na ang sundo ni Ealden at kami nina King, Josiah at Donnie ay naglakad-lakad sa Cubao at napag-kwentuhan ang pagbalik sa Anawangin kahit lakad-tropa lang – at sana nga ay matuloy at maraming makasama para masaya kung saka-sakali. nang malapit na sa LRT 2 ay tumuloy na sa pag-uwi si King samantalang kaming tatlo nina Josiah at Donnie ay nag-taxi na pauwi – salamat nga pala Donnie sa paglibre ng pamasahe. pagdating sa bahay ay nag-Happy New Year ako kina Donnie at Josiah pagkatapos ay binitbit ko na ang aking mga gamit at pumasok sa bahay. medyo mahirap buksan yung pinto namin at inakala kong may nakaiwan ng susi pero wala naman pala, so kinatok ko ang pinsan ko at mabuti nagising siya agad para pagbuksan ako ng pinto. ayun, matapos ang kaunting kwentuhan ay bumaba ako sa kwarto, nagbihis at natulog na rin. as usual, very satisfied na naman ako sa trip na ito – my sixth RACE trip in 2008 and 7th overall, if i were to include the granddaddy of them all – Ilocos Batch 1 last 2007. sana ay mas marami pang bakasyon tayo makapag-sama-sama, maraming salamat sa lahat.
p.s. thanks din po pala sa mga na-grab kong pictures mula sa mga co-participants sa trip na ito – i decided to post some of them here para mas kumpleto ang istorya. see you in future trips =O).